[ESSAY] “Pamana”: the winning Boac Community Garden Story

[ESSAY] “Pamana”: the winning Boac Community Garden Story

29 Jul, 2020

One of the highlights of the Boac Community Garden Contest is the Story Writing Competition. We asked our contestants to write about their gardening experiences, the challenges that they encountered, the successes they earned, as well as the biggest why’s that motivated them every step of the way.

Here we present in full the winning essay from Dennis Motol of Barangay Caganhao, entitled “Pamana” (trans. Legacy).

RELATED READ: Boac Community Garden Contest mini competition winners announced


Taong 2014 nang pumanaw ang aming Lola Rosalina, o mas kilala sa tawag na “Saling” ng mga kamag-anak, kaibigan, at mga kakilala. Binawian sya ng buhay mula sa sakit sa puso. Sa kanyang pagkawala ay nalaman namin ang sakit na iyon ay matagal palang nagpahirap sa kanya. Dahil dito ay lalo kaming humanga kay Lola Saling sapagkat sa kabila ng kanyang karamdaman, naitawid nya ang aming pamilya sa pamamagitan ng pagsasaka, paghahayupan, at pananahi.

Sa loob ng pitumpu’t limang taon ay naitaguyod nyang mag-isa ang kanyang limang anak, bunsod ng dahilang maaga syang inulila ng aming lolo. Isang katunayan ng kanyang pagsisikap ay ang pagpundar nya ng ilang lupain at bukirin na kanya namang naiwan sa kanyang mga anak.

Kasabay ng pagpanaw ni Lola Saling ay ang unti-unting pagkalimot namin sa kabuhayang nagtaguyod sa aming angkan. Naiwang nakatiwangwang ang bukirin. Ang dating luntiang paligid na pinatingkad ng mga malulusog na mga gulay: nariyan ang ampalaya, mais, munggo, mani, sitaw at marami pang iba ay napalitan ng mga nagtataasang damong ligaw. Napuno ng dawag ang dating produktibong parsela ng lupa. Nawala na rin ang mga eksenang nagdadala ng saya at tawanang bitbit ng mga gawaing kaugnay ng pagbubukid.

Wala na kaming mahimay na mais tuwing Agosto na sapitan ng kaarawan ng aking anak na si Yuan. “Kung narito lang si Lolang Saling, may bualaw na masarap sana tayo”, wika ni Yuan. Naalala ko pa noong inuutusan kami na ibilad ang munggo, nagrereklamo pa kami dahil anong gilik baya. Ang hindi ko maunawaan noon ay ang kung gaano pala kahirap ang kanyang pagtatanim at pag-aalaga dito kumpara sa pagbilad na sya lamang na gawaing ibinigay nya sa amin. Sa madaling salita, nawala ang aming kuneksyon sa lupang pinagyaman niya nang mahabang panahon. Lalo’t higit, tila nawala na rin mismo ang kuneksyon naming kay Lola Saling sapagkat hindi na namin naranasan pang muli ang mga masasaya at masaganang buhay na minsa’y ibinigay ng bukid.

"Kasabay ng pagpanaw ni Lola Saling ay ang unti-unting pagkalimot namin sa kabuhayang nagtaguyod sa aming angkan."

Fast forward sa taong 2019 nang ako ay makapag-aral ng Organic Agriculture Production National Certification II sa DMDC Farm. Magkahalong saya at panghihinayang ang aking naramdaman nang una akong pumasok sa maikling kursong ito. Masaya sapagkat sa pamamagitan ng mga bagong kaalaman na ito ay maipag-papatuloy na naming muli ang mga nakalimutang gawain sa bukid. Nanghihinayang sapagkat sana pala ay matagal na naming natulungan ang aming Lola Saling.

Unti-unti ay nagtanim kami sa gilid ng aming tahanan gamit ang mga luma at sirang kagamitan tulad ng timba at palanggana bilang taniman. Bukod sa magastos ang pagbili ng mga bagong pasong taniman, ang paggamit ng mga luma naming abubot ay lubhang makakabawas sa aming mga tambak na kalat sa bahay. Nagsimula rin kaming magtanim ng mga halamang may direktang pakinabang sa paglaban sa aking karamdaman. Ako ay may diabetes. Kasunod nito ay sinubukan naming magtanim ng petsay, mustasa, sitaw, at okra sa bakanteng lupa sa may tabing kalsada malapit sa aming tahanan. Natuwa naman ang aking bayaw na naengganyang magtanim din sa may harapan ng kanyang bahay. Dito na nagsimulang lumabas ang ideyang buhayin ang bukiring nakalimutan na.

Waring sinasadya at kinakasihan naman ng pagkakataon ang aming mga plano nang mula sa isang share sa Facebook ng isang kaibigan ay nakita ko ang paligsahang itinataguyod ng AGREA at Goodyear Merchandise.

“Boac Grow Food Contest daw Kuya Intet”, sabi ko sa aking tiyuhin. “Masali kita”, ang mabilis kong deklarasyon. Hindi ko na hinintay pa ang kanyang kasagutan at kaagad akong nagpadala ng mensahe sa organizer at ipahayag ang aking interes sa contest na ito. Dito na nga namin sinimulang angkinin ang “pamana” ng aming Lola Saling.

ALSO READ: Gardening contest inspires a community to grow food amid the COVID-19 pandemic

Dahil bawat isa sa pamilya ay “excited”, lahat ay kumilos: bata, matanda, babae, at lalake. Ang aking mga bayaw ang nakatoka sa “clearing operations” upang alisin lahat ng damo at dawag sa bukid. Kami ng Kuya Intet naman ang nagtiyagang nagbungkal gamit lamang ang piko upang ang lupa ay magpormang plot, habang ang mga kababaihan naman at mga bata ang nag-pulverize ng lupa sa pangunguna ni Nanay Fe. Samantalang ang usapin ng “supply at implements” ay kargo naman ni ma Lito. Siya rin ang utak sa pagpapatyo ng poso katuwang si Maong, ang aming pinsan, upang may permanenteng suplay ng tubig sa mga pananim.

Subalit hindi pala ganoon kadali ang lahat. Dahil kami ay hindi naman sanay sa ganitong mga gawain, lahat ay nakaramdam ng sakit ng katawan, may mga nilagnat at inubo dahil natuyuan ng pawis, ang iba ay napaltusan, nasugatan, nagasgasan ng balat, at iba pa. Natagalan din kami sa iba pang mga gawain dahil na rin sa kakulangan sa kagamitan. Nahirapan talaga kaming lahat.

Taglay ang aming munting kaalaman, ang karanasan ng aking mga magulang, ang expertise ni Kuya Intet na hinasa ng iba’t ibang pagsasanay mula sa 4H Club at Department of Agriculture, at higit sa lahat ang aming pagkakaisa, ay sama-sama naming ginawa ang lahat ng kailangang gawin. Lalo na at lahat kami ay masayang gumagawa ng aming mga nakatokang gawain at masarap na kumakain sa bukid. May lutuan pa ngani kami ng kung anu-anong kakanin at ulam sa mismong bukid! Mula sa land preparation, pagpupunla, paglilipat-tanim, plant care and maintenance, pest control, at farm management ay wala kaming iwanan.

"Taglay ang aming munting kaalaman, ang karanasan ng aking mga magulang, ang expertise ni Kuya Intet na hinasa ng iba’t ibang pagsasanay mula sa 4H Club at Department of Agriculture, at higit sa lahat ang aming pagkakaisa, ay sama-sama naming ginawa ang lahat ng kailangang gawin."

Marami rin kaming mga ups and downs na naranasan sa mga panahong ito.

Palpak ang aming unang punla, natunaw. Pinalitan. Nang naitanim na, kinain naman ng baka, kalabaw, at manok. Nakakagalit baya. Nakakapaayaw na! Pero ika nga, laban lamang. Nagpatuloy pa rin kami. Pagkatapos ay dumating pa si Bagyong Ambo. Ayun, nganga. Natumba si mais, humapay si okra, at nabulid sina petsay at mustasa. Meron pa bang parating na mas malala pa dito? Sa awa ni Lord, medyo kumalma na. Kaso ay dumating naman si Habagat, inulan at hinanginan ang taniman. Haaaayyysss!

Buti na lang kahit paano naka-survive ang aming munting halamanan. Ang maganda pa nito, unti-unti nang nawawala ang mga salot na aphids at langgam sa aming sitaw. Si Mr Okra, ang taguri ng aking maybahay na si Tintin, ay binigyan na kami ng unang bunga – may naibabad na rin ako upang mainom sa umaga para sa aking diabetes. Napalitan ng galak ang aming mga puso nang una kaming maka-harvest ng sitaw at okra. Ang saya talaga! Bilang isang pamilya, wala nang sasaya pa na nakikita naming muli na nagkakabuhay ang bukirin ng aming matriyarka. Sa kabila ng pandemyang COVID-19 na lumukob sa aming pamayanan at bansa ay nakahanap kami ng isang sanctuary at last frontier upang siya ay labanan: ang aming Bukid Rosalina.

Dennis Motol and his Team Bukid Rosalina garden won the Best Garden Story. He also won in the the Best Food Garden Recipe category. Dennis is a public-school teacher. Click here for story.

Salamat na lamang kami at may AGREA at Goodyear na nagsilbing instrumento ni Papa G upang aming makita ang pamanang iniwan ni Lola Saling. Sa paligsahang ito ay nakahukay kami ng ginto. Ngayon, higit kailanman, mas maliwanag pa sa kinang ng ginto ang lahat. Iniwanan kami ng Lola Saling ng pagmamahal, pagbibigayan, pagsusunuran, paggalang sa bawat isa, pagkakaisa, sipag at tiyaga, at pagpupunyagi: mga pagpapahalagang amin ding itatanim sa puso ng aming mga anak, ang aming natatanging pamana.


About the author
Dennis Quindoza Motol is Secondary School Teacher III at the Marinduque National High School. With a teaching career that spans more than ten years, he finished his Bachelor in Secondary Education Major in Social Studies in 2005, and Master in Public Administration in 2018 at the Marinduque State College. He lives in Caganhao Boac with his wife Maria Cristina and son Kyle Yuan.

Congratulations to all the winners! The Boac Community Food Garden Contest is powered by AGREA, Tulong Marinduque, Goodyear General Merchandise, Goodchow Food Express, The Diocese of Boac, and TESDA Provincial Office Marinduque.